Minsan may grupo ng mga taong simbahan, mga seminaristang lalaki at babae, ang nagpasama sa isang organizer para mag-bar hopping. Gusto nila marahil ng exposure o mag-interview ng mga babaing nagtatrabaho sa bar. Sa paglipas ng gabing iyon, umuwing nag-hihinanakit 'yung organizer. Sabi niya, sa bawat bar na pinuntahan nila, tinatanong palagi ng mga seminarista sa mga babaing nagtatrabaho sa bar kung nagsisimba sila. Hindi niya ito nagustuhan. May mga ilan pa rin siyang reklamo pero hindi ko na matandaan.
Hindi ko alam kung ano ang sinagot ng mga bar women. Hindi namin napag-usapan at hindi naman kami interesado. Pero nauunawaan ko ang kanyang pakikisimpatya sa mga bar women. Habang nasa kalagitnaan siya ng kanyang pagkukuwento naglakbay ang diwa ko.
Naisip ko, kung hindi sana mahigpit ang belong nakapiring sa kanilang mga mata, marahil hindi na nila ito itatanong. Marahil kung hindi sana makapal ang fake eyelashes na suot-suot ng mga bar women maaaninag nila ang mabuting puso ng mga seminarista sa halip ng mga bilang ng basong nasa ibabaw ng mesa.
Minsan ko na silang pinagmasdang magsayaw habang tinatanggal isa isa ang saplot sa kanilang katawan sa saliw ng tugtuging Total Eclipse of the Heart. Sa bawat piraso ng telang nahuhubad, sa bawat balat na lumalantad sa aking harapan hanggang sa makita ko na lahat, lalu kong naintindihan na wala naman palang masyado pagkakaiba ang mga kababaihan saan mang lugar, anuman ang kalagayan at katayuan sa buhay. At kung tatanggalin mo pa ang balat at mga kalamnan sa bawat kababaihan, tuluyan ng mawawalan tayo ng pangalan, lahi o katayuan sa lipunan at makikita mong lahat tayo ay isang grupo lang ng kalansay.
(Ganuon din naman ang kalalakihan, pero hindi naman sila ang paksa ko.)